Isa sa pinakamatagal nang isinasagawang wine at spirits event sa Hong Kong ang muling nagtutulak sa Chinese spirits kasunod ng malalaking tax cut.
Pinamamahalaan ng Hong Kong Trade Development Council (HKTDC), babalik ang Hong Kong International Wine & Spirits Fair sa Nobyembre 7-9, at ipagpapatuloy ang hybrid format na ipinakilala noong nakaraang taon.
Nasa ika-16 na edisyon na, magtitipon ang wine at spirits fair ng mahigit 600 exhibitor mula sa 20 bansa at rehiyon, kasama sa unang pagkakataon ang mga kalahok mula sa South Africa.
Bukod sa pagtatanghal ng iba't ibang inuming may alkohol mula sa buong mundo, maglulunsad ang kaganapan ng bagong panel at programang parangal at bibigyang-pansin ang talentong Tsino
Inaasahan ding mangunguna ang mga Master of Wine, sommelier, at eksperto sa industriya sa mga kumperensiya, tasting session, at seminar.
Pampalakas sa kalakalan ng spirits
Sa taunang Policy Address ng chief executive ng Hong Kong noong Oktubre, inanunsiyo ni John Lee ang malaking pagbawas sa import duty ng high-end na alak na nagkakahalaga ng mahigit HK$200 (mga US$26), mula 100% pababa sa 10%. Samantala, mananatiling walang pagbabago ang duty rate para sa inangkat na alak na HK$200 pababa.
Ayon sa chief executive, hango ang desisyong ito sa tagumpay ng pag-alis ng duty sa inangkat na wine, na sinimulan noong 2007 at siyang naging dahilan upang maging isa ang lungsod sa pinakamahalagang sentro ng kalakalan ng wine sa mundo.
Sa dekadang nagtapos noong 2018, lumaki nang limang ulit ang halaga ng kalakalan ng wine sa Hong Kong tungo sa HK$15 bilyon (US$1.9 bilyon) mula sa humigit-kumulang HK$3.5 bilyon (US$450 milyon). Hindi gaanong naramdaman ang paglagong ito sa segment ng spirits, na lumaki lamang ng mga HK$5 bilyon (US$640 milyon) sa halaga ng kalakalan tungo sa halos HK$10 bilyon (US$1.2 bilyon) sa parehong panahon.
"Umuunlad ang merkado para sa Chinese baijiu at wine, lalo na kasunod ng kamakailang panukala ng Hong Kong SAR Government na bawasan ang buwis sa high-end na alak. Nagtitipon ang fair ngayong taon ng mahigit 600 exhibitor, na may kapansin-pansing pagdami ng mga nagtatanghal ng Chinese baijiu at spirits mula sa buong mundo," ani HKTDC deputy executive director Sophia Chong sa isang pahayag.
Tinatantiya ng research arm ng HKTDC na magbibigay ang pinakabagong duty cut sa high-end na alak ng 24% hanggang 50% na ginhawa sa pasanin sa buwis (partikular sa operating cost) para sa mga trader ng brandy, whiskey, at iba pang spirits sa Hong Kong.
Noong 2023, umabot sa US$14 bilyon ang kabuuang halaga ng kalakalan ng spirits sa Hong Kong, ikatlo sa mga katapat nito sa Asya. Nanguna sa merkado ang Singapore na may kabuuang kalakalang nagkakahalaga ng US$46.6 bilyon, sinundan ng mainland Tsina sa US$40.6 bilyon, at sakop ng dalawa ang halos kalahati ng kalakalan ng spirits sa rehiyon.
Sa ngayong taon, umabot sa humigit-kumulang HK$3.6 bilyon (US$460 milyon) ang halaga ng mga export ng spirits sa Hong Kong, tumaas ng 16% mula sa parehong pitong buwan na nagtapos noong Agosto ng nakaraang taon. Samantala, umangat ng halos 3% tungo sa HK$4 bilyon (US$500 milyon) ang mga import ng spirits sa parehong panahon.
Susuriin pa nang mas malalim sa isang seminar sa fair ng HKTDC ang sistema ng pagbubuwis sa Hong Kong at ang inaasahan para sa merkado ng spirits ng lungsod.
Pag-akit sa mga Gen Z
Tatalakayin sa taunang Wine Industry Conference, isa sa maraming highlight ng wine at spirits fair ng HKTDC, ang mga trend sa pag-inom ng kasalukuyang henerasyon ng mga batang umiinom.
Si Master of Wine Debra Meiburg ang mangunguna sa kumperensiya ngayong taon, na tutuklas din ng mga paraan upang maakit ang mga buyer mula sa Generation Z at millennials.
Sa buong mundo, umuunti ang mga taong umiinom ng alak, lalo na sa mas batang henerasyon. Sa Tsina, partikular, iniiwasan ng mga Gen Z na nasa legal na edad ang wine, ayon sa mga natuklasan ng kamakailang pananaliksik ng IWSR at Wine Intelligence.
Ayon sa pananaliksik, mas madalas uminom ang mga taong ipinanganak sa pagitan ng 1997 at 2012 ng ibang inumin gaya ng cocktail at cider, na kadalasang ipinoprumote online ng mga influencer.
Kaiba rin ang trend na ito sa nangyari sa mga millennial (ipinanganak sa pagitan ng 1981 at 1996) na tumulong sa pagpapalakas ng wine imports sa Tsina isang dekada na ang nakalilipas.
Baijiu at table wine sa lata
Itatampok ng 2024 fair ang iba't ibang wine at spirits mula sa buong mundo, kabilang ang Chinese baijiu, Japanese sake, at Irish whiskey.
Nasa Chinese baijiu ang pokus, kabilang ang Zhenjiu mula sa Guizhou at ang Fenjiu mula sa Shanxi na gawa sa sorghum.
Itatampok ang maraming-parangal na sake na Ukishiro Sakitama Kodaishu ng Yokota Sake Brewery, at ang low-alcohol na sake ng Hakutsuru House, ang Hakutsuru Blanc.
Isang highlight sa kategorya ng whiskey ang kinikilala sa buong mundong triple-distilled na Clonakilty Single Pot Still Irish whiskey.
Bukod pa rito, itatanghal ng Vinette Premium Canned Wines mula sa South Africa ang kanilang makabago at table wine na may pandaigdigang parangal sa mga lata ng aluminyo.
Mga Tsinong nangunguna
Ipapakilala ng HKTDC ang bagong panel na "Sommelier's Picks" sa fair ngayong taon, kasama si Reeze Choi na muntik nang manalo sa prestihiyosong 2023 Best Sommelier of the World contest. Naging pangalawang runner-up si Choi at siya ang unang Tsinong finalist sa paligsahang isinagawa ng Association de la Sommellerie Internationale.
Samantala, mangunguna si Jennifer Docherty, ang unang Master of Wine na may lahing Tsino, sa isang blind tasting ng anim na fine wine sa kaganapan.
Sasali rin sa kaganapan si Stef Yim, na ipapakita ang kanyang Azienda Agricola Sciara 760 Metri Etna Rosso. Nagtayo ang winemaker na ipinanganak sa Hong Kong ng winery at mga vineyard sa aktibong bulkang Mount Etna sa Sicily, Italya, kaya siya nakilala sa taguring "Volcano Winemaker."
Ilulunsad din sa international fair ang bagong programang parangal ng industriya, ang Hong Kong Best Spirits Awards 2024. Idaraos din ang semi-final at final rounds ng unang Hong Kong International Mixology Showdown 2024.
Sa huling araw ng kaganapan, na bubuksan sa publiko, mag-aalok ang mga vendor ng Lan Kwai Fong ng espesyal na cocktail na may passion fruit at Japanese Akori Gin, sa nakalaang Wine Fiesta zone.
Ang wine at spirits fair ng HKTDC noong nakaraang taon ay nakahikayat ng halos 10,000 bisita, karamihan mula sa Southeast Asia, at nagtampok ng mga 500 exhibitor mula sa 17 bansa at rehiyon. "Sa kabuuan, tumaas ng 60% ang partisipasyon mula sa mainland Tsina kumpara sa nakaraang taon," ani Chong ng HKTDC tungkol sa kaganapan ngayong taon.
Gaganapin nang harapan ang ika-16 na edisyon ng kaganapan sa Hong Kong Convention and Exhibition Centre, habang live na ipapalabas ang online showcase sa pamamagitan ng EXHIBITION+ platform ng Click2Match.